Thursday, May 19, 2016

 

Bakit Tourist Attraction na Lang Ngayon ang Venice (A True Story Tungkol sa Masamang Epekto ng Political Dynasty sa Isang Bansa)

Translated to Filipino by Rey Agapay from “How Venice Became a Museum” from the book, WHY NATIONS FAL by Daron Acemoglu & James A. Robinson (First article from Ch. 6 – Drifting Apartm pp. 152-156), Published by Profile Books (USA) 2013 ANG PAG-USBONG NG MAUNLAD NA REPUBLIKA NG VENICE Ang Venice ay binubuo ng mga isla sa pinakatutktok ng Adriatic Sea. Noong Middle Ages, ang Venecia na yata ang pinakamayang lugar sa buong mundo, isang lipunang nangunguna rin sa kasayasayan ng “inclusive economic and political institutions;” ang kanilang sistema ng pamahalaan at mga paraan para kumita ng pera ay isa sa pinakabukas at pinakapatas sa lahat. Naging malayang repulika ang Venice noong 810AD, na suwerte nama’t panahon ito ng unti-unting pagbangon ng Europa sa pagbagsak ng Roman Empire. Ang mga haring tulad nina Charlemagne ay mayroong matatatag na central powers kaya may stability at kapayapaan. Dahil dito lalong lumawak ang pangangalakal sa mga ibayong dagat, at bilang isang bayan ng mga mandaragat sa kapuluang nasa puso ng Mediterranean, madaling ito napagkakitaan ng mga taga-Venice. Dahil sa inaangkat nila sa Silangan na spices, mga produkto ng Byzantine, at mga alipin, yumaman ang Venice. Matapos ang mahigit 100 taon, ang kanilang populasyon ay lumago sa 45,000 na lumaki ng 50% at naging 70,000 noong 1200, at muli ng 50% upang umabot ng 110,000 noong 1330. Noong mga panahong iyon, ang Venice ay singlaki na ng Paris at tatlong beses ang laki sa London. ANG PAGYAMAN NG MAS MARAMING MAMAMAYAN Ang sikreto ng mabilis na pag-unlad ng Venice ay ang mga naimbento nilang uri ng kontrata para sa mga gustong magnegosyo na talagang nagpabukas sa kanilang economic institutions. Ang pinakakilala sa mga kontratang ito ay ang “commenda” na kontrata ng mga magkasyoso sa isang balikang biyahe ng barko o trading mission. Ang commenda ay sa pagitan ng dalawang uri ng negosyante, iyong “sedentary” o nakapirming kasyoso na mananatili sa Venice at iyong maglalayag na kasyoso. Depende sa uri ng kasunduang commenda, ang “sedentary partner” madalas ang mamuhunan nang pinakamalaki para sa biyahe samantalang ang traveling partner ang sasama sa kargo ng barko. Sa ganitong paraan, nababantayan ang pinuhunan ng naglabas ng pera at maaari namang makihati sa kita ang bumiyahe lamang. Sa commendang 100% ang puhanan ng sedentary partner, 75% ng kikitain ang sa kanya at 25% ang mapupunta sa naglayag. Mayroon ding commendang “bilateral” na tinatawag kung saan 67% ang kapital na ilalabas ng sedentary partner kapalit ng kalahati ng kikitain. Ang ganitong sistema ay nakatulong magpaunlad sa napakaraming baguhang negosyanteng walang kapital maliban sa lakas ng loob nilang makipagsapalaran sa dagat. Sa una’y 100% ng kapital ay mula sa isang sedentary partner, at ‘di maglalaon ay makapagpupundar na rin sila ng pera para sa bilateral na commenda. Maraming taga-Venecia ang napaunlad ang kanilang kabuhayan sa sistema ng commenda. Ang mga opisyal na dokumento noong mga panahong iyon ay puno ng mga pangalan ng mga negosyanteng hindi naman talaga mula sa mga dati ng mayayamang pamilya. Noong 960AD, 69% ng mga kumita ay mga bagong pangalan, 81% noong 971AD, at 65% noong 982AD. Ang inclusiveness sa ekonomiya ay nagdulot ng pagdami ng mas maraming pamilyang mangangalakal na siya namang nagpabukas sa sistemang pampulitika nila. Ang pinuno ng Republika ng Venice ay tinatawag “doge” na manunungkulan habambuhay matapos piliin ng General Assembly. Bagama’t ang pinakadominanteng paksyon sa General Assembly ay iyong binubuo ng ilang mayayamang pamilya lamang, noong 1032 ay napagdesisyunan pa rin sa pagtitipon na ito ng lahat ng mamamayan na ang pagpili sa doge ay sasabayan ng pagpili ng Ducal Council upang bantayang huwag masyadong lumawig ang kapangyarihan ng doge. Ang unang doge na napili kasabay ng isang Ducal Council ay isang nagngangalang Domenico Flabianico, isang mayamang mangangalakal ng seda subalit hindi galing sa mga pamilyang dati ng nasa pulitika. Ang mga pagbabagong ito sa sistema ng pamahalaaan ng Venice ay nasundan ng lalong paglago ng kalakal at paglakas ng hukbong pandagat ng Venice. Pagdating ng 1082, monopoliya na ng Venice ang pakikipagkalakalan sa Constantinople kaya’t isang Venetian Quarter ang itinatag doon upang panuluyan ng may sampung libong Venetians na nakadestino roon. Makikitang magkaakibat ang inclusive economic at political institutions sa pag-unlad ng isang bayan. GOBYERNONG MAY PANANAGUTAN SA MGA TAO Malaki ang kinalaman ng pag-unlad ng mga mamamayan ng Venecia sa pagbubukas ng sistema ng pamahalaan lalo nang mapaslang ang doge noong 1171. Ang unang pagbabago ay ang pagkakatatag ng Great Council na pinakapagmumulan ng kapangyarihang pampulitika. Binubuo ito ng iba’t ibang opisyal, tulad ng mga hurado, at karamihan ay mga dugong-bughaw. Taun-taon nadaragdagan ang Great Counci ng isandaang bagong miyembro mula sa mga nominado ng komite na binubuo ng apat na taga-konsehong napili sa pamamagitan ng palabunutan. ‘Di naglaon, ang Great Council ay nahati pa sa dalawa – ang Senado at ang Council of Forty na may iba’t ibang kapangyarihang pang-ehekutibo at pang-lehislatibo. Ang ikalawang malaking pagbubukas sa sistemang pulitikal ay ang pagkakaroon ng Ducal Council na napipili sa pamamagitan ng palabunutan mula sa mga miyembro ng Great Council. Ang tanging trabaho ng Ducal Council ay magmungkahi ng puwedeng mamuno bilang doge. Bagama’t ang kanilang nominado ay kinakailangan munang sang-ayunan ng General Assembly, malaki ang impluwensiya ng Ducal Council sa kung sino ang magiging doge sapagkat iisa lamang parati ang kanilang nominado. Ang ikatlong pagbubukas ay ang panunumpa ng doge na siya’y mamumuno sa ilalim pa rin ng konseho. Sinisiguro naman ng Ducal Council na ang doge ay susunod sa mga desisyon ng Great Council. Ang mga pagbabagong pulitikal na ito naman ay nagdulot ng mga pagbubukas sa sistemang pang-ekonomiya. Nagkaroon ng mga batas na saklaw ang mga pribadong kontrata at pagkalugi ng negosyo, at natatag ang mga korte at korte ng paghahabol (appeals court). Lalong naging madali ang pagtatayo ng mga bagong uri ng negosyo at kontrata. Dito na rin nagsimulang umusbong ang mga makabagong sistema ng pagbabangko sa Venecia. Tila tuluy-tuloy na nga ang pag-usad nila bilang isang bayang may mga institusyong pangkalahatan ang benepisyo. ANG PAG-USBONG NG "POLITICAL DYNASTIES" Ang paglago ng ekonomiya dahil sa mga institusyong bukas at patas ay nagdudulot ng malikhaing pagbuwag o creative destruction ng mga negosyo. Ang pagpasok ng mga mga bagong negosyante sa tulong ng commenda o iba pang uri ng inclusive economic institutions ay nakababawas sa kita at banta sa political power ng established elites. Kaya ang mga elite na nakaupo sa Great Council ay may malaking dahilan upang isara ang sistema sa mga baguhan. Noong Oktubre 3, 1286, inihain ang isang panukala sa Great Council na ang mga bagong miyembro ay dapat munang makumpirma sa Council of Forty na kontrolada ng mga mayayamang pamilya pero hindi ito nakalusot. Matapos ang dalawang araw, isang kaparehong panukala ang inihain na siyang naaprubahan at tuluyang naging batas. Mula noon, ang isang tao ay hindi na kailangan ng kumpirmasyon para mapabilang sa Great Council kapag ang kanyang ama at lolo ay dati ring miyembro ng konseho. Iyon lamang hindi mula sa “political dynasty” na tinatawag ang kinakailangan dumaan sa Ducal Council. Lalo pang naging mahirap ang pagpasok sa pulitika ng mga ordinaryong mamayan nang ilang araw lamang ay naisabatas na ang isang bagong miyembro ng Great Council (o iyong hindi kuwalipikado sa “automatic confirmation”) ay dapat munang maaprubahan hindi lang ng Council of Forty, kundi pati na rin ng doge, at ng Ducal Council. Ang mga pagbabagong ito sa kanilang Konstitusyon o Saligang Batas ng 1286 ang sinasabing naging simula ng “La Serrata” - “Ang Pagsasara” ng Venice. Pebrero 1297, awtomatiko na ring nominado at aprubado sa Great Council ang sinumang nagsilbi na rito sa nakaraang apat na taon. Tanging ang mga bagong nominado lamang ang kinakailangan na lang dumaan sa Council of Forty (bagama’t labing-dalawang boto lamang ang kailangan para maaprubahan). Matapos ang ika-11 ng Setyembre 1298, ang mga dati nang taga-konseho at ang kanilang kamag-anak ay hindi na kailangan ng kumpirmasyon. Tuluyan nang naging ekslusibong samahan at sarado sa mga bagong mukha ang Great Council. Ang mga miyembro nito ay nagmistulang aristokrasyang namamana at naipapasa sa kanilang kaanak ang kapangyarihan. Tuluyan nang naging institusyon ang ganitong kalakaran nang mailathala noong 1315 ang “Libro d’Oro” o Gintong Libro na opisyal na tala ng Venetian nobility. Mayroon din namang mga pagtutol sa ginawang unti-unting pagkamkam sa kapangyarihan ng iilan noong mga taaong 1297 hanggang 1315. Upang mapatahimik ang ilang bumabatikos, pinalaki ang Great Council, mula 450 naging 1,500 na miyembro. Ang paglaking ito ay sinabayan naman ng paghihigpit sa mga taumbayan. Bumuo sila ng kapulisan sa unang pagkakataon sa Venice noong 1310 upang makontrol ang pagtutol ng mga mamamayan at tuluyang mapatibay ang bagong sistema ng pamamahala sa kanila. EPEKTO NG KAUNLARAN AT KAPANGYARIHAN PARA SA IILAN LAMANG Kasunod ng Serrata sa pulitika ang Serrata sa larangan ng ekonomiya. Ipinagbawal na ang commenda na siyang unang nagpaunlad sa lahat ng taga-Venecia. Hindi na ito nakapagtataka dahil ang commenda ay nakakatulong sa mga bago at maliliit na mangangalakal na siyang gustong iitse-puwera ng mga establisado nang pamilya na siya na ring gumagawa ng mga batas sa Great Council. Noong 1314, inilagay ng pamahalaan ang lahat ng pangangalakal sa kanyang kontrol, nagpataw sila ng malalaking buwis sa sinumang nais pumasok sa industriya. Naging monopoliya na ng mga dati nang mayayaman ang pakikipagkalakalan ng Venicia sa malalayong bayan. Ang lalong pag-unlad ng iilan lamang ang naging simula ng pagbagsak ng ekonomiya ng Venice. Ang republikang muntik nang maging “world’s first inclusive society” ay nakamkam ng iilang nakakuha ng kontrol sa gobyerno at ekonomiya at tuluyan itong isinara sa karamihan. Bumaba nang isandaang libo ang populasyon nila pagsapit ng 1500, at noong mga taong 1650 hanggang 1800, kung kalian lumago ang populasyon ng Europa, lalong lumiit ang sa Venice. Marahil sila dapat ang makadiskubre ng mga bagong ruta ng pakikipagkalakalan sa mga ibayong dagat o nakaimbento ng marami pang makabagong institusyong pang-ekonomiya pero ngayong, maliban sa kaunting pangingisda, ang ekonomiya ng Venecia ay nakasalalay na lamang sa turismo. Ang mga Venetian ngayon ay gumagawa ng pizza, ice cream, at makukulay na babasaging souvenir para sa mga turistang dumarayo para masilayan ang mga bakas ng karangyaan ng Venice bago ang La Serrata – ang Palasyo ng Doge, ang mga nililok na kabayo sa Katedral ni San Markus na kanilang naiuwi mula sa Byzantium noong namamayagpag sila sa buong Mediterranean. Ang mga kanal at palasyong kupas – ang buong Venecia – ay isa na lamang tourist attraction.

This page is powered by Blogger. Isn't yours?