Monday, March 19, 2007
"Leakage"
Para makabawi sa napakatagal na hiatus ko sa pagba-blog, ia-upload ko ang mga scripts na sinulat ko for Starstruck the Next Level. Mga acting exercises 'to for the kids. Para sa mga writers, excited kami usually sa mga ganito kasi ito 'yung chance namin na makapagsulat ng narratives.
'Yung isang pinost ko dating script ("Roommates") ay pinag-iisipan nang gawing short film ni Sunshine. 'Tong mga 'to naman na-mount na ng mga directors pero open pa rin naman ako kung sakaling may ibang gustong gawin siya hehe.
***
Pansinin na usually napaka-haba ng description ng mga characters. Inisiip ko kasi na since mga amateurs ang mga gaganap, they would need all the help they could get to know their characters.
Well, nakakatulong din siyang malaki sa writing process ko para buo sa isip ko 'yung bawat character para when I write the dialogues, they don't end up sounding the same. At least 'yun ang tina-try kong i-achieve.
Kapag acting exercise din sa Starstruck nilalapit ko lang sa personality ng mga actors ang characters kaya lahat ng mga characters teenagers or something.
For this script, kilala ko na 'yung mga bata so binagay ko na rin sa kanilang life experience at acting capacity 'yung characters nila.
***
"Leakage" ang final exercise ng last remaining 8 contestants ng Starstruck.
Nakakaloka 'to kasi ang givens the material must run for two episodes (about 18mins), makaka-eksena ng mga bata si Ms Lorna Tolentino, at dapat bawat bata magkaroon ng dramatic moment.
Napakarami kong dinaanang konsepto na nasisimulan ko lang pero 'di mabuu-buo. Inisip ko 'yung na-hostage sila sa school, o kaya parang "Babel" na nasa jeepney silang lahat...Basta nagmi-meeting na kami wala pa rin akong concept! Inaamin ko na lang sa Director/Headwriter na si Kuya Rommel na wala talaga akong mabuo. Sabi niya, patay raw ako!
Pero siguro I work well under pressure kasi nu'ng naandiyan na't malapit na'kong nag-present saka dumating 'tong napakasimpleng storyline na'to. Based siya sa experience nu'ng batch namin nu'ng high school kung saan sa final exams bago kami grumaduate eh meron ngang nakakuha ng leakage ng exams. Naging napakalaking eskandalo niya sa school at ang batch lang yata namin ang kauna-unahang hindi ginawaran ng "Legion of Honor" medal which is supposed to be the highest recognition bestowed on any student. Kebs! (Saka ko na lang ikukuwento 'to kapag sinipag ako.) Nakuha ko 'yung name ni LT na Gng. Tabil sa pangalan ng Filipino teacher at adviser ko nu'n sa Dulaang Marist.
Proud ako sa script na'to. Si Direk Maryo J. delos Reyes pa ang nag-direct. Nu'ng nag-meeting kami, natuwa naman siya sa material at ang pinadagdag lang niya 'yung final dialogue ni LT para naman daw masabi ang "lesson" sa story at para magka-moment din si LT. Ang original kasi the story ended with LT slapping her son. Maganda naman kinalabasan. Hope you like it. (Para akong nagde-dedicate ng kanta sa concert hehe)
LEAKAGE
ray_agapie@yahoo.co.ukMGA TAUHAN
1. Gng. Elizabeth Tabil (Ms Lorna Tolentino), 43, ang principal ng P. Gomez National High School. Nagsimula bilang isang teacher na dahil sa kanyang talino at sipag ay agad namang na-promote sa pagiging principal. Hiwalay siya sa kanyang asawa kung saan meron siyang anak, pero bihira niya itong pag-usapan. Sa katunayan, bihira siyang magkuwento sa kanyang personal na buhay kaya halos wala siyang malapit na kaibigan sa mga administrator at faculty na eskuwelahan. Ang tingin sa kanya ng lahat ay isang istrikta at morally upright na tao.
Malaking frustration sa buhay ni Gng. Elizabeth Tabil ang kanyang failed marriage, at insecurity niya ang pagkakaroon ng anak na hindi singtalino niya. Mula nang tumuntong sa Grade 4 si CJ ay tinigil na niya ang pagpe-pressure rito na mag-aral nang mabuti at nang makapasok sa star section pero ‘di niya namamalayan na halata ng kanyang nag-iisang anak ang kanyang disappointment.
Ang kanyang less than ideal na family life ay ibinabaling niya sa pamamagitan ng paghubog ng mga estudyanteng kilala sa kanilang distrito ng public schools na isa sa pinakamatatalino at may pinakamataas na passing rate sa entrance exams ng UP.
Ang mga 4th Year High School Students ng P. Gomez:
2. Christian Jacob Tabil o CJ - nag-iisang anak ni Gng. Tabil. Bata pa lang siya nang iwan sila ng kanyang ama. Palibhasa matatag ang loob ng kanyang ina, hindi siya gaanong mapaliwanagan sa tunay na dahilan ng paghihiwalay. Hindi tuloy lumaking malapit ang loob niya sa sa ina, at meron pa siyang matinding insecurity na maaring siya ang dahilan ng paghihiwalay ng kanyang mga magulang (ang totoo ay iniwan sila para sa ibang babae).
Palibhasa lumaki sa anino ng kanyang inang nirerespeto, pinili niyang ‘wag na lang magpa-pressure at sadya ring hindi niya hilig ang pag-aaral. Gustuhin man niya, hindi niya talaga kayang ma-meet ang academic expectations sa kanya ng kanyang ina. Minsan tuloy, kinaiinggitan niya kung gaano alagaa ng kanyang ina ang mga honor students.
3. Diane Palisoc – ang babaeng running for Valedictorian. Karibal niya sa top spot ang kanyang first ever boyfriend na si Argem. Valedictorian siya nang magtapos ng elementarya sa probinsiya kaya nagpasya ang pamilya niya na lumipat ng Maynila kahit mas mahirap ang buhay rito upang mas mabigyan siya ng mas magandang opportunity. Nadatnan niya sa P. Gomez HS si Argem, ang Valedictorian ng P. Gomez Grade School, at sila na ang laging magkakumpitensiya sa pagiging Top 1. Pero friendly naman ang kumpetisyong ito. Sila ang madalas mag-partner sa mga project, magka-team sa mga inter-high school competitions, at study partners. Dahil dito ay nagkadevelopan sila’t officially naging sila nu’ng summer bago sila mag-fourth year, sa isang Student Leaders’ Workshop. Tuwang-tuwa rito si Diane dahil matagal na nga niyang crush si Argem.
Isa siyang mabait na anak, matulungin sa mga classmates na hindi nakakaintindi ng lessons, at mapagtiwala sa lahat.
4. Argem Mendoza - running for Valedictorian din. Lumaki siyang malapit sa kanyang ama na may-ari ng isang sari-sari store at barangay kagawad pa sa kanilang lugar. Sobra ang kanyang paghanga sa ama.
Matalino, magaling sa basketball, at guwapo, siya ang kinikilalang leader ng batch. Malakas ang kanyang leadership skills. Driven siya at gagawin niya ang lahat para mag-succeed.
Totoong nahulog ang loob niya kay Diane sa dalas nilang magkita pero parang mas gusto niya ang babaeng tulad ng kanyang ina na tahimik lang at supportive wife sa lahat ng achievements ng kanyang ama. ‘Yan ang mga katangiang nakita niya kay Ria, ang editor-in-chief ng school paper. Matalino rin at maganda ‘to tulad ni Diane pero hindi niya kumpetisyon.
5. Ria Balatbat – isa ring honor student na tahimik, palibhasa writer. Kasama siya ni Argem siya school paper, dito nahulog ang loob ni Argem sa kanya. Pero kahit nagpapahiwatig ang binata sa kanya, ayaw naman niyang mag-assume sa mga intentions nito at ayaw rin niyang i-entertain ang anuman alang-alang kay Diane na kaibigan na rin niya. Sobra siyang kinakain ng guilt sa kung anumang namamagitan sa kanila ni Argme lalo pa’t may kumakalat na na tsismis na siya ang magiging dahilan kung bakit makikipag-break si Argem kay Diane.
6. Ina Campos – Siya ang kinaiinisan ng lahat dahil madaldal masyado at tsismosa. Ang totoo, mabait naman siyang tao. Naghahanap lang ito ng pansing hindi niya nakukuha sa bahay at maging sa star section dahil gustung-gusto man niyang maging officer, ayaw siyang iboto ng mga kaklase dahil nga inis sa kanya.
7. Maita Andal - crush ng bayan dahil sa kanyang gandang namana sa kanayang amang American GI na nakabuntis sa kanyang inang dating bargirl. Dahil dito, tsinitsismis siya ng mga inggit sa kanya na malandi. Isa siya sa mga unang nagka-boyriend sa batch (nu’ng Grade 4 sila) pero hanggang kiss lang naman ang nakukuha sa kanya dahil ayaw niyang mabansagang pokpok. Feeling niya lagi niyang i-prove ang sarili niya.
8. Chino Yu - may crush kay Maita pero simple kang pumorma dahil kabarkada niya rin ‘to. Nag-aaral siyang mabuti para maging engineer sa Kuwait kung saan DH ngayon ang kanyang ina. Sinusustentuhan lamang ang kanyang pag-aaral ng kanyang single mom. Nakikitira lang siya sa kanyang tito na hindi niya kasundo. Gustung-gusto na niyang maka-graduate para maging independent na.
9. Ian Felix Mabanta – isa pang may crush kay Maita. Istrikto ang kanyang mga magulang. Kahit honor student siya, hindi pa rin satisfied ang mga ito dahil parehong Valedictorian ng kanilang batch sa P. Gomez ang kanyang kuya’t ate. Pressured man, masiyahin at happy-go-lucky lang siyang tao. Masaya na siyang pumapasa, at kung katambay niya sina Chino at Maita.
MGA TAGPUAN
1. P. Gomez National High School – isang malaking public high school sa Metro Manila
2. Bahay nina Ginang at CJ Tabil – maliit ngunit maayos at malinis
SEQ. 1. INT. 5PM, SA ISANG CLASSROOM SA P. GOMEZ NATIONAL HIGH SCHOOL.
Kausap ng principal ng P. Gomez National High School na si Gng. Elizabeth Tabil ang pito sa pinakamahuhusay niyang graduating students.
GNG. TABIL
Kayo lang ang mga pumasa UP sa batch ninyo. Proud na proud ang eskuwelahan sa inyo. Lahat kayo sigurado nang gagraduweyt na may honors. Pinagtatalunan na lang kung sino ang ranking. Sina Diane at Argem pa rin ang naglalaban para sa Valedictorian. Bukas ang start ng exams. Kaya ko kayo pinatawag kasi gusto kong sabihin sa inyo na paghusayan n’yo dahil malayo ang mararating n’yo…
Ipakita ang eager at inspired faces nina Diane, Argem, Ria, Ina, Maita, Paulo at Ian habang nakikinig sa kanilang principal.
I-establish na rito ang inter-relationship ng pito: ang pagiging in love ni Diane kay Argem, ang nawawala nang feelings ni Argem na ayaw niyang ipahalata, ang pangangamba ni Ria na luma-love triangle kina Diane at Argem. Ang barkadahan nina Ian, Chino at Maita na binibigyang malisya naman ni Ina.
SEQ. 1-B. SA LABAS LANG NG CLASSROOM.
Nakatayo sa may labas ng bukas na pinto ng classroom si CJ. Dala-dala na nito ang kanyang backpack. Mukha itong bored na bored.
Biglang siyang kakanta sa kanyang sarili. ‘Di na niya namamalayang tinatambul-tambol pa niya nang bahagya ang pinto.
SEQ. 1-C. BACK TO THE CLASSROOM.
Biglang mapapahinto si Gng. Tabil sa pagsasalita. Mapapabaling ang lahat ng nasa classroom sa tunog na ginagawa ni CJ.
Mahahalata ni CJ na tumigil ang ina sa pagsasalita. Pagsilip niya sa loob, makikita niyang nakatitig ang lahat sa kanya na para bang isa siyang nakakadiring tao.
GNG. TABIL
CJ, puwede ba sa opisina ka na lang maghintay?
Maglalakad si CJ papunta sa Principal’s Office. Maririnig na magpapatuloy sa pagle-lecture si Gng. Tabil.
SEQ. 2. INT. SAME DAY. PRINCIPAL’S OFFICE.
Papasok si CJ sa opisina ng kanyang ina. Bahagyang naririnig pa rin ang muffled speech ng kanyang ina sa background.
Lilinga-llinga siya. Hindi siya mapakali. Iikot-ikot siya at mangangalikot sa opisina ng kanyang ina. Halos dito na rin siya nakatira. Mula nu’ng bata siya, dito na siya tumatambay habang hinihintay ang kanyang ina na tapusin ang lahat ng trabaho niya.
Sa pangangalikot niya opisina, mapapansin niya ang mga stack ng exam paper.
Magugulat siya. Pero magkakaideya siya. Kukupit siya ng isang exam paper. Tutupi-tupiin niya ito at ibubulsa.
SEQ. 2-B. CUT TO THE CLASSROOM KUNG SAAN NAGSI-SPEECH SI GNG. TABIL.
GNG. TABIL
At pag-alis n’yo ng eskuwelahang ito, sana lalo pa namin kayong maipagmalaki…
SEQ. 3. INT. 10PM. SAME DAY. SA SALA NINA GNG. TABIL.
Nasa landline si CJ. Kausap niya si Diane habang hawak-hawak ang kopya ng exam paper na tupi-tupi na.
CJ
Eto, Diane. Last na lang. Ano ba naging epekto sa’tin ng World War II?
SEQ. 3-B. INT. SA BAHAY NAMAN NI DIANE,
DIANE
OK lang, no. At least nakaka-review na rin ako. Bakit parang ang dami-dami mong tanong, ha?
SEQ. 3-C. BACK TO CJ.
CJ
Eh, siyempre, para man lang sa huling exam ko sa high school makatikim naman ako ng perfect score!
Biglang papasok si Gng. Tabil.
GNG. TABIL
CJ!
Matataranta si CJ sa biglang pagtago ng exam paper.
GNG. TABIL
Kanina ka pa d’yan sa telepono! Mag-aral ka!
CJ
Opo, ‘nay. Sige, Diane, bukas na lang.
SEQ. 4. EXT. KINABUKASAN. SA SCHOOL GROUNDS.
Magkatabi sa isang bench sina Diane at Argem. Masinsin silang nag-uusap. Umiiyak si Diane.
DIANE
Ngayon mo talaga binalak sabihin ‘yan?
ARGEM
Mahirap mag-concentrate sa exam nang merong mabigat na iniisip.
DIANE
Eh, paano ako?
Tatahimik lang si Argem.
DIANE
Gusto ko lang malaman ‘yung totoo. Dahil ba kay Ria?
ARGEM
Walang kinalaman si Ria rito. Mas gusto ng tatay ko na pag-aaral muna ang atupagin ko. Marami ka pang makikilala sa college. Mahal pa rin kita.
DIANE
Mahal din kita…
Hahagulgol si Diane kaya para hindi na siya lalong mapahiya sa harap ni Argem ay tatayo na lang siya at magmamadaling aalis.
Magkakasalubong sina Diane at CJ.
CJ
Diane, marami pa’kong papasagutan sa’yo… O, OK ka lang?
DIANE
Puwede ba, CJ, mamaya na lang?
Tuluyan nang aalis si Diane. Magtataka’t mag-aalala si CJ para kay Diane.
CJ
Diane!
Biglang susulpot sa tabi niya si Argem. Aakbayan ni Argem si Diane.
ARGEM
Pabayaan mo na muna siya. Ano ba’ng kailangan mo kay Diane?
CJ
Wala nag-aalala lang ako sa kanya… Argem, pare, sa’yo may kailangan ako.
ARGEM
Sa’kin? Ano ‘yon?
CJ
Sikreto ‘to, ha. Kailangang-kailangan ko lang. Puwede mo ba’tong sagutan?
ARGEM
Kopya ba ‘to ng exam mamaya?
CJ
Oo.
ARGEM
Tara, du’n tayo. Baka may makakita sa’tin dito.
SEQ. 5. IBANG LUGAR SA SCHOOL GROUNDS.
Naggu-group review sina Chino, Maita, Ian, Ina at Ria.
Mapapansin nilang dadaan si Diane na umiiyak. Maiintriga ang lahat pero yuyuko lang si Ria na para bang pinipilit na ‘wag pansinin ang nakitang eksena.
INA
Uy! Si Ria, affected!
RIA
Ha? Ano?
INA
Mukhang break na sina Argem at Diane. At kilala ko sino ang madalas kasing tine-text-text ni Argem.
RIA
Alam mo, Ina, tama na. Hindi ka na nakakatuwa.
INA
Eh, bakit ba? Halata namang type ka ni Argem at mukha namang type mo rin siya. At least ngayon hindi ka na magi-guilty.
RIA
Sinabing tama na, eh!
Padabog na magbubukas ng libro si Ria at tatahimik na ito.
INA
Ay! Affected nga!
MAITA
Ina, pati ako napipikon na sa’yo. Puwede ba alamin mo naman kung kailan tatahimik?!
CHINO
Maita, relax ka lang. Hindi na ka na nasanay kay Ina. Papanget ka niyan.
IAN
Oo nga. Sige ka, baka hindi na kita crush niyan.
MAITA
Kayong dalawa talaga…
Dadaan si Gng. Tabil. Agad na tatayo si Ina para sumipsip.
INA
Ginang Tabil! Good morning po. Tulungan ko na po kayo sa mga dala n’yo.
GNG. TABIL
Ay, thank you.
Maita will roll her eyes.
Tahimik pa ring nagbabasa si Ria pero walang pumapasok sa utak niya. Iniisip niya silang dalawa ni Argem. Mapapatingin siya sa lugar kung saan natatanaw niyang nag-uusap sina Diane at Argem kanina.
Makikita niyang nag-uusap sina Argem at CJ.
SEQ. 5-B. CUT SA USAPAN NINA CJ AT ARGEM.
CJ
Thank you talaga, ha!
ARGEM
Thank you din. Basta, secret natin ‘to, ha.
CJ
Oo naman. Sige.
CJ exits. Nang mag-isa na lang si Argem, parang mababaling ang isip nito sa ibang bagay. Lilingon siya sa kinaroroonan ni Ria. Makikita niyang nakatingin sa kanya si Ria.
Matamis ang titigan ng dalawa.
SEQ. 6. INT. SAME DAY. SA BOYS’ COMFORT ROOM.
Mag-isang pinag-aaralan ni CJ ang leakage na sinagutan nina Diane at Argem. Nakaupo pa siya sa lababo at nasa tabi niya ang bukas na backpack.
Biglang maririnig niya ang malakas na usapan nina Ian at Chino. Nagre-review ang dalawa at papasok sila sa CR.
Magmamadaling bababa mula sa kanyang pagkakaupo sa lababo si CJ. Titiklupin niya muli ang kodigo at mag-aayos siya ng gamit.
Makakasalubong pa niya palabas sina Ian at Chino. ‘Di niya namalayang naiwan niya sa lababo ang leakage.
CHINO
Pare, maling formula kasi ginamit mo kaya ‘di mo nakuha ‘yung sagot.
IAN
Hindi, tama ako ru’n. Ni-review ko kaya ‘yun. (Makikita niya ang nakatuping kodigo) Uy! Love letter.
Bubuklatin nila ang papel. Magugulat sila sa kanilang makikita.
SEQ. 7. INT. SAME DAY. SA CLASSROOM.
Pinapabasa nina Ian at Chino ang leakage kay Maita.
MAITA
Kanino galing ‘to?
CHINO
Ewan namin. Basta pag-aralan na natin.
MAITA
Pero cheating ‘to.
IAN
Hindi naman natin ‘to hinanap, eh. Kusang dumating ‘tong leakage.
MAITA
‘Wag kang maingay. Marinig ka ni Ina Tsismosa.
Naririnig nap ala kanina pa ni Ina ang usapan ng tatlo kanina pa. Tatayo ito at lalabas ng kuwarto.
SEQ. 8. INT. ILANG MINUTO ANG NAKALIPAS. SA CLASSROOM.
Nasa magkakaibang sulok ng kuwarto nakaupo at parang may sariling mundong nag-aaral sina Argem, Ria at Diane.
Nakakumpol pa rin sina Ian, Chino at Maita.
Hindi namamalayan ng mga estudyante ang biglang pagdating ni Ina kasama si Gng. Tabil.
INA
Gng. Tabil, ito po, o.
Hahablutin ni Gng. Tabil ang leakage mula sa tatlo.
GNG. TABIL
Ano’ng ibig-sabihin nito?
Hindi makakasagot ang tatlo.
GNG. TABIL
Bakit kayo nagkakopya ng exam?
Makikitang magbabago ang mukha ni Argem. Ninerbiyusin ito.
GNG. TABIL
Ayaw n’yong sumagot! Walang mage-exam. Lahat kayo kakausapin ko.
INA
Lagot kayo.
GNG. TABIL
Pati ikaw, Ina.
INA
Ma’am?
GNG. TABIL
Seryosong usapin ‘to. Kayo pa man ang mga inaasahan ko… Lahat kayo sa kuwartong ito, kailangang magpaliwanag. Maita, sumunod ka sa’kin.
Eexit si Gng. Tabil. Halos mamatay na sa nerbiyos na susunod si Maita. Tensyonado na ang lahat.
SEQ. 9. INT. A FEW MINUTES AFTER. SA PRINCIPAL’S OFFICE.
Kausap ni Gng. Tabil si Maita. Umiiyak na si Maita.
MAITA
Kahit po sinasabi nila na maarte ako. OK lang po ‘yun. Kayo po ako nag-aaral nang mabuti para ipakita sa kanila na may laman po ang utak ko. Kahit po maarte ako, hindi po ako mandaraya. Hindi ko po magagawa ‘yon, ma’am…
SEQ. 10. INT. A FEW MINUTES AFTER. PRINCIPAL’S OFFICE.
Si Chino naman ang umiiyak kay Gng. Tabil.
CHINO
Si Inay po maid po sa Kuwait. Siya po nagpapadala ng pera pampaaral ko. Gusto ko pong maging engineer tapos du’n na po kami titira kasi ayoko po sa tito ko. Kaya nga po ako nag-aaral nang mabuti, eh. Hindi ko naman po sinasadyang makita ‘yung leakage…
SEQ. 11. INT. A FEW MINUTES AFTER. PRINCIPAL’S OFFICE.
Si Ian naman ang umiiyak kay Gng. Tabil.
IAN
Bubugbugin po ako ng tatay ko kapag nalaman niyang hindi ako gagradweyt. Ako lang po kasi ang inaasahan n’ya. Sinabi ko na rin po na siya magsasabit ng medalya ko kung sakali. Pero ngayon paano na po? Maawa na po kayo…
SEQ. 12. INT. A FEW MINUTES AFTER. PRINCIPAL’S OFFICE.
Sabay na pinatawag ni Gng. Tabil sina Diane at Argem.
GNG. TABIL
Ayokong magbintang pero may kutob akong may alam kayo tungkol dito.
ARGEM
Wala po, ma’am.
Kikilatisin nang titig ni Gng. Tabil si Argem.
Biglang papasok sa opisina si CJ nang ‘di kumakatok.
CJ
Nay, umuwi na po tayo.
Matalim ang tingin ni Gng. Tabil sa kanyang anak.
CJ
Ay, sorry po. Maghihintay na lang po muna ako sa labas.
SEQ. 13. SA CLASSROOM.
Naka-detention pa rin sina Ria, Ina, Maita, Ian at Chino.
IAN
Ang tagal na’to! Uwian na sila, o.
RIA
Huli na yatang kakausapin sina Diane at Argem.
CHINO
Lalo tayong tatagal nito, eh!
INA
Hello! Ako kaya dapat wala rito, no!
MAITA
Anong dapat wala ka rito? Ikaw nga dahilan kung bakit hindi tayo pinag-exam, kung bakit hindi tayo pinapauwi, baka mawala pa ang honor natin, baka hindi pa tayo maka-graduate dahil hindi mo kayang itikom ang bibig mo!
INA
Eh, bakit ako’ng sinisisi mo? Sino ba sa’tin d’yan ang nagkukunwaring matalino lang ‘yun pala kaya nagkaka-honor dahil nandaraya! Nilalandi mo pa’tong dalawang ‘to para sila magnakaw ng mga leakage mo!
SEQ. 14. BALIK SA PRINCIPAL’S OFFICE.
GNG. TABIL
Na-recognize ko ang sulat ng isa sa inyo sa sinagutang leakage. Alam kong mag-on kayo kaya parang imposibleng hindi n’yo ‘to nasabi sa isa’t isa…
Maluluha na si Diane.
Hindi makakapagsalita si Argem.
Biglang maririnig ang ingay sa kabilang classroom.
SEQ. 15. BALIK SA CLASSROOM.
Matindi ang sabunutan nina Maita at Ina.
Umaawat sina Ria, Ian at Chino pero hindi nila mapaghiwalay ang dalawa.
Papasok si Gng. Tabil.
GNG. TABIL
Magsitigil kayo… Magsitigil kayo… MAGSITIGIL KAYOOOO!!!
Kayo pa man ang honor students. Nakikita ko na ngayon ang mga tunay n’yong kulay! Nakakahiya kayo!
RIA
Ma’am, ‘wag n’yo pong lahatin, please. Siguro po may mga dahilan sila kung bakit nila nagawa ‘yon. Pero ako po, wala po talaga akong kinalaman d’yan. Parusahan n’yo lang po ‘yung mga may kasalanan. Hindi po ‘yung nadadamay pati ‘yung walang kinalaman dito.
MAITA
Ako ba pinaparinggan mo?! ‘Wag ka ngang magmalinis. Mas masama ka. Inahas mo si Argem kay Diane!
Magtatalu-talo na naman. Gigitna muli si Gng. Tabil.
SEQ. 16. BALIK SA PRINCIPAL’S OFFICE.
Tatayo si Argmen at hahablutin mula sa labas ng opisina papasok nito si CJ.
ARGEM
Ikaw may kasalanan ng lahat ng ‘to! Ayusin mo ‘to!
DIANE
Argem, ano’ng pinagsasabi mo? Walang kinalaman si CJ dito.
ARGEM
Anong wala? Siya kumupit ng leakage. Pinasagutan lang niya sa’kin. Ngayon mawawala pang pagka-Valedictorian ko dahil sa’yo!
CJ
Bakit? Nakinabang ka rin naman, ha. Sinabi mo pa ‘wag kong sabihin kay Diane para mas mataas ang maging grade mo para ikaw na talaga mag-Valedictorian at hindi si Diane.
DIANE
Totoo ba’to?
ARGEM
Eh, ano kung totoo? Ikaw ba ayaw mong maging Valedictorian?
DIANE
Handa akong mawala ‘yon basta lang makasama kita. Hindi ko alam kung bakit hindi ko nakikita nu’n na napakasama ng ugali mo. Lahat gagawin mo para sa medalya!
ARGEM
Akala mo wala kang kasalanan dito… ‘Yung mga tinawag ni CJ sa’yo kagabi mga tanong din sa exam. Kaya sabit ka rin dito. Damay-damay na’to!
Magpapalitan ng mga banta sina Argem at Diane.
Matatahimik na lang sila nang i-bang ni CJ ang pinto sa paglabas niya. Susundan nina Argem at Diane si CJ.
SEQ. 17. BALIK SA CLASSROOM.
Nakaupo na ang mga estudyante. Naglalakad-lakad si Gng. Tabil.
GNG. TABIL
Wala talang aamin?
Papasok si CJ. Nakasundo sina Argem at Diane.
CJ
Ako po…
GNG. TABIL
Wala kang kinalaman dito.
CJ
Gusto ko lang naman pong ipagmalaki n’yo ako kahit minsan. Gusto ko po isipin n’yo special din ako tulad nila kaya ko kinupit ‘yung exam. Hindi ko naman po inisip na magiging ganito po, eh. Sorry po.
Dahan-dahang lalapit si Gng. Tabil sa kanyang lumuluhang anak…
At bibigyan niya ito ng isang malakas na sampal.
Magugulat ang lahat. Hindi nila alam kung paano magre-react.
GNG. TABIL
Ang tagal-tagal kong pinangarap na maging honor student ka… Alam mo ba ibig-sabihin ng nu’n? Wala ‘yung kinalaman sa kung gaano kataas ng grades mo. Kahit maka-perfect ka pa sa exam na’yan, kahit Valedictorian ka pa, kung nandaraya ka lang… nasaan ang honor du’n?
Lalabas ng classroom si Gng. Tabil. Sising-sisi ang mga mag-aaral.
Wakas.
Blogged with Flock