Sunday, September 26, 2010

 

Nasaan ka nu'n?

WET DREAMS. Halos talunin pa ng malakas na ulan si Ibong Adarna sa pagpapaantok, sinusubok ang resolve kong mag-row ngayong madaling araw. Pero kahit kagabi pa umuulan na sa birthday party sa White Space (P.Tamo) ni Bong Revilla, kung saan pangunahin panauhin sina Gloria at Gibo, at ako naman ang raketerong writer, isang buwan na lang ang nalalabi bago ang kauna-unahan kong masasalihang international regatta ng UP Dragonboat Team sa Singapore kaya kailangan suungin patakbo ang ulan patungo kay Hans Ong na basang-basa man ay handa naman akong ihatid hanggang Manila Bay mula sa tinitirhan ko sa Santolan, Pasig. Pagsakay ko sa kanya, doon lang nag-text si Bryan na cancelled ang training. Hindi naman ako nagrereklamong bumalik sa kama nang bahagyang basa pa ng ulan ang buhok.


Bandang alas-9 na yata ako muling nagising. Sinundo si Haydee sa bahay nila sa Pasig Greenpark na bagama’t baha na ay yakang-yaka naman ng SUV. As usual, nagtu-toothbrush pa yata si Haydee pagdating ko, kaunting paghihintay, pero hindi ko in-expect na paglabas niya ng gate ay halos kailangan niyang tumalon papasok ng sasakyan dahil sa baha. Pag-arangkada, nagulat din ako dahil tumaas na agad ang level ng tubig.


Bahagyang matrapik sa Shaw underpass pero otherwise ay wala namang hassle papuntang RCBC Plaza. Sabado kaya parang ghost town ang Makati, ang lungsod na madalas ay dinadaga akong puntahan nang nakakotse during workdays dahil hindi ko kabisado ang mga one-way-one-way at wala raw patawad ang mga pulis kahit sa media ID. Wala kasing online payment ang Singapore Airlines kaya kailangang sadyain ang opisina nila para mabayaran ang roundtrip tickets ko to Singapore, promo price pa nga raw sabi ng nag-asikaso sa’min kaya hindi nalalayo sa binayaran ng mga nag-PAL ang nakuha kong presyo. Sulit naman talaga ang desisyon kong ‘yun dahil bongga ang meals kahit sa coach (may menu card pa!), free-flowing ang wine at Singapore sling, at mismong sa nakakairita sa gandang Changi Airport ang lapag ko at hindi sa Budget Terminal na tulad ng karamihan sa mga teammates na nagtipid-tipiran nang wala sa lugar kaya pinatos ang CebuFuck (Hahaha! Hindi maka-get-over?!) The benefits of the serendipitous decision to fly Singapore Airlines will be felt way before the flight a month from now. Ngayong maulang umaga na ito ng September 26, 2009 madarama ko na siya. WETTER REALITIES.



***


Sa ticketing office ng SIA ay hindi ka aware sa mga nangyayari sa labas kaya nagtanong ang babaeng nag-aasikaso sa’min kung malakas ba talaga ang ulan. Sabi namin ni Haydee, “Oo,” at nag-alala si ate, “because I have a wedding to attend to at the Fort this afternoon.” We all have our Ondoy stories, and that couple who wed on that fateful day must have one hell of a tale! Marami nga raw naapektuhang event dahil weekend tumama si Ondoy; ang laking pasalamat ko na lang na isa sa mga nakasama ng pamilya ko sa 2nd floor ng bagong-tayong bahay sa mismong tabi ng aming 31-year old split-level Marikina home ay isang caterer na na-postpone ang event kaya all the families who evacuated there had enough food ‘till the waters receded the next day.


DREAM-BELIEVE-SURVIVE! Babalik na sana kaming GMA nang nagulat kaming baha na sa Ayala Avenue! Narinig din namin sa FM na hindi na gumagalaw ang trapik sa EDSA. Naisip ko iba na’to. Tinext ko ang mga bosing na noo’y nagpapa-audition ng Starstruck sa Davao City kung saan maaraw. Hindi nila ma-grasp ang tindi ng bagyo sa Maynila kaya hindi sila pumapayag na i-cancel ko ang Starstruck auditions sa GMA na ako ang nakatokang mag-conduct. Meron na nga raw pinadala ang prestigious (HAHA!) Artist Center du’n para mag-audition. Nang nasilayan naming pinasok na rin ng baha ang Bread Talk sa Glorietta 4, napagpasyahan ko nang sumuway. No way am I going to go on a futile journey to the office! At kahit tutol din si Haydee sa kawalan ko ng plano, wala na rin siyang magawa nang i-park ko si Hans Ong sa elevated parking ng Greenbelt. May kaunting tao pa sa mall nu’n at nakapag-lunch pa kami sa Sentro. Maita, who works at Dusit, joined us. May ibang mas adik na staff ang na-late lang nang bonggang-bongga pero nakarating pa rin sa GMA. Sila na lang ang nag-conduct ng audition. Ang tanging nakuha sa Final 14 sa Starstruck V sa auditions na ‘yon ay isang Piero Vergara so in the long run na-vindicate naman ang desisyon kong pahalagahan na lang ang seguridad ko kesa ang pangarap na mag-artista ng ilang kabataan.


Ang boyfriend ni Maita na isang US Marine ay naka-billet sa Ascott (formerly Oakwood) at nag-offer siya sa’ming magpalipas muna ng gabi roon. By this time nakatanggap na’ko ng tawag kay Thea na ‘wag nang umuwi dahil baha na sa labas ng condo namin. Nausog niya ang kotse niya kaya interior detailing lang ang kinailangan. Ang brand new Honda Jazz ni Haydee ang nadale! Hanggang ngayon, sira pa rin ang power steering nito at isang transistor na binili sa Dimensione na lang ang sounds. This after spending thousands of pesos in repairs because despite other motor company’s humanitarian efforts to their Ondoy-affected clients (discounts in repairs/towing, etc.) – Honda’s first decree after the typhoon was to declare null the warranty of all submerged vehicles. This is the reason why after selling non-Ondoy affected Hans Ong a few months after, ni hindi ko kinonsider ang Honda as my next car.


Pagkatapos kumain ay naglakad na kami papuntang suite ni Kyle. May wifi doon kaya updated kami sa mga pangyayari. Ang video ng isang van sa Katipunan na nilamon ng baha ang nagpa-realize sa aming iba ‘tong si Ondoy. Nag-update na rin ang sister ko na umabot na sa garahe namin ang baha. Pre-BF Marikina, binabaha na talaga ang subdivision namin but my parents and ninong who was the architect of our home had the wisdom to elevate the house so never kaming pinasok ng baha kaya ganu’n na lang ang pagkagulat ko nang ang susunod na text eh nag-evacuate na sila sa second floor ng kapitbahay! I was ashamed that I was having an easy time that all I could text my sister was I’m stranded in Makati. ‘Di dinagukan ako nu’n kung nalaman niyang de-aircon at wifi ako sa isang luxury serviced apartment habang kumakain ng manok na libre pa ng isang guwapong US Marine! Incidentally, last Saturday, on the eve of the Ondoy Anniversary, Haydee and I again find ourselves at Kyle’s Ascott suite, this time to celebrate his upcoming marriage to Maita!



***


BATUHIN MO NG TINAPAY. Itinakbo na ni Kuya Rexel ang sasakyan sa iniisip niyang mataas-taas na lugar. Maraming car-owners ang ginawa rin ‘to pero parang pagtaya sa lotto, walang kasiguruhan kung ang tinatantiya mong safe ay hindi nga aabutin ng baha. Si Kuya Ryan naman ay sinundo na sa school ang dalawa kong pamangking uma-attend ng special classes to compensate for all the unexpected class suspensions since the start of the schoolyear. Pero nang malapit na sa bahay namin, kinailangan na nilang mag-park sa isang tabi dahil mataas na nga ang tubig. Naitawid pa ni kuya ang dalawang batang lalake sa bahay ng isa pang kapitbahay habang siya ay na-stranded na sa katapat na bakery in his attempt to reach our home. Patsi-patse ang detalye ko sa mga pangyayari pero patunay lang ‘to ng unpredictability ng araw na’yun at ng sobrang bilis talagang pagtaas ng tubig-baha. Ang naalala ko lang, mula sa bakery ay iniitisahan ni Kuya Ryan sina Dave-Dave at DJ ng Monday para may makain naman sila pero ang sabi ba naman, “Papa, we don’t like this. We want the ensaymada!”


Ang eldest niece ko naman ay naiwang mag-isa sa bahay nina Kuya Ryan sa kabilang side ng subdivision. Ang alam ko nasundo rin siya agad bago tuluyang pasukin ang bahay nila kaya magkakasama na sila sa 2nd floor ng bagong-tayong bahay. Halos dalawang dekada kaming walang katabing bahay at medyo nalungkot pa kami sa pagkawala ng sunlight sa terrace nang ipatayo ang two-storey house na magsisilbing lifesaver ng Pamilya Agapay at ng marami pang pamilya sa area.


Ang initial plan pa raw nila ay lumusong hanggang highway pero paglabas sa garahe at hanggang dibdib na ang tubig ay sinabi na ni Mommy kay Daddy na, “Ako kakayanin ko ‘to. Ikaw, hindi,” at kinatok na niya ang gate ng malaking bahay. Pinagbuksan naman sila. Throughout the day ay may mga tumawid sa aming bubungan patungo sa second floor na’yon. Walang nakasisiguro kung hanggang kailan bubuhos ang ulan. Paano kung abutin pa sila ru’n, at kailangan na nilang umakyat sa bubong? Paano na?


Kuwento ni Dad hindi na raw siya masyadong nagkikikilos nu’n. Nararamdaman na niyang hihikain siya pero dahil walang kuryente ay hindi siya makapag-Nebulizer. Naalala raw niya nu’ng maliit pa lang siya sa Albay, madalas din daw takbuhan ang bahay nila tuwing may bagyo pero pati raw sila ay napalisan nang humagupit si Bagyong Frank. Inintrega na raw niya isa-isa ang mga ari-arian naming nasalanta, ang bahay, ang kotse, ang mga muwebeles, ang mga appliance, ang mga litrato, ang mga paintings niya, ang mga alaala sa tahanang ipinundar niya para sa asawa niya, apat na anak, at mga apo… Ni-let go na raw niya at tinanggap na wala na ang mga ito.


Pagsapit ng gabi ay tumahik na nang bahagya si Ondoy pero WALA NI ISA SA ATIN NU’N ANG TUMAHIK ANG KALOOBAN.


Kinaumagahan, milagrong jumakpot ang pinag-iwanan ng mga sasakyan. Ang isa sa mga una nilang ginawa ay naghanap ng gas station para makisaksak ng Nebulizer. Salamat sa Diyos. Nakapunta na rin kami ni Haydee ng GMA. Tumuloy muna siya sa kuya niya sa may Scout Area, dumiretso naman ako sa studio ng SOP na bagama’t puno ng mga the usual artistas at staff ay tila nangangapa pa rin sa gitna ng kawasakan. Baha pa rin ang lahat ng entry points sa Marikina kaya minabuti ko na lang manatili sa GMA. Naging special Ondoy telethon ang SOP. At mula roon hanggang sa Showbiz Central ay nagsulat ako para sa telethon. Mga hotline numbers, panawagan ng tulong, anunsyo’t advisory ang isinulat ko mula umaga hanggang alas-sais ng gabi. Mga pagmamakaawa ng bahay-ampunang puno ng mga nagugutom na ulila, mga pamilyang hindi madala sa ospital o punerarya ang kanilang mahal sa buhay, mga kuwentong itinatawag lang pero sa sobrang hapdi ay napapaluha si Miriam Quiambao, isa sa mga artistang volunteer operators. Napakabigat isulat sa idiot boards, lalo’t hindi lahat ay maisahihimpapawid. Marami sa mga kapwa ko staff ng telethon na’yun ay biktima rin, at may mga pamilyang patuloy na stranded sa Marikina, Pasig, at iba pang apektadong lugar.


May isa kaming matandang kapitbahay na yumao sa stress ng pag-e-evacuate. Kakaiba rin ito dahil walang piniling mayaman o mahirap ang Ondoy. Si Cristine Reyes kinailangang i-rescue sa bubungan sa Provident Village. Ngayon may mga kuwento na ng mga misteryosong matatandang babaeng gumagala raw roon, o ng mga basa o putikang taong papara ng traysikel ngunit biglang mawawala. Sa aking alma mater, Marist School, may isang mag-aaral na nalunod kapatid mismong sa loob ng bahay nila. Maraming nawalan ng gamit pang-eskuwela at kinailangan daw ng pagpoproseso sa pangyayari upang ma-address ang anumang trauma ng mga nabiktima. Kuwento pa ni Mrs. Tabil, ang aking Filipino/Drama teacher noon, kinailangan pa raw ituro na paminsan silang sanay mag-abot ng tulong ay ok lang naman humingi ng tulong kasi nga raw ang iba ay nahihiya pang tumanggap ng extra uniform o gamit sa mga kaklase. Ang mga batchmates kong nasa States na nakibalita nasabihan kong iba ‘to sa mga insidente noon ng baha sa Marikina dahil hindi na lang ang mga housing sa may ilog ang naapektuhan...



***


Kinabukasan ay nawala nang tuluyan ang baha. Nag-drive ako sa putikan at debris upang marating ang bahay naming napuno ng basura at burak na sa sobrang dumi ay na-infect ang mga mumunting cuts namin sa kamay at paa nu’ng naglilinis kami. Kinailangan pa ng mga kuya ko na magpa-tetanus shots nang sobrang nang namaga ang kanilang paa.


Parang apocalyptic Hollywood movie ang nadaanan ko. nagkalat ang mga gamit sa kalsada, ang kapal ng putik, sira-sira ang mga bahay, may mga putikan at sirang sasakyang nakahambalang kung saan, kabilang ang isang puting Fortuner na halos patayo’t nakasandal sa isang poste. Pero hindi ganu’n ka-desolate ang eksena dahil nakikita mo ang mga tao na nagtutulungan sa paglilinis. May nakita pa’kong nagsasaing sa gatong sa sidewalk, at tila magkakapitbahay na nagsasalu-salo.


Ito nga siguro ang sinasabi nilang kakaibang attitude ng Pinoy. Kuwento ni Ogie Alcasid noong isang araw, na-compose raw niya ang “Kaya Natin ‘To,” ‘yung OPM fundraiser song for Ondoy victims nang napanood niya sa TV ang isang mamang dala-dala ang sako ng mga ari-arian niya habang lumulusong sa bahang chest-deep pero nakuha pang masabi sa camera ang katagang naging pamagat ng awiting ‘yun.


Nang finally tsinek na nga raw nila ang bahay, sa gitna ng destruction, nakuha pang maghiyawan sa galak nina Mommy dahil nasalba ang Orocan ng bigas na naisip nilang ipatong sa dining table bago silang tuluyang nag-abandon-house. Lumutang ang narra table, ha, pero hindi natinag ang Orocan! Walastik!


Na-survey rin namin ang nangyari sa mga kapitbahay naming halos pamilya na sa tagal ng pinagsamahan at dami ng pinagdaanan namin mula pa nu’ng 70’s. Isa sa mga aligagang naglilinis ng kanyang bahay si Tita Nitz. “Nitz! Kumusta ka?” tanong ng Mommy ko na sa pagka-obvious ng sagot ay puwedeng barahin ni Vice Ganda. Lumapit sa aming sasakyan ang dati’y palatawang si Tita Nitz, sinandal ang ulo sa bukas na passenger side window at nadurog ang puso ko sa bulong niyang, “Devastated…Devastated.”


Gray-gray na ang buhok ni Tita Nitz na ninang pa sa binyag ng aming bunso na ngayo’y may anak na rin. Tahimik kaming nakinig. “Lahat putikan… ang mga libro… pati PANTY KO PUTIKAN!” And she bursts out laughing! “WALA NA’KONG PANTY HAHAHAH!” Ano pa ba’ng gagawin naming kundi tumawa, ‘di ba? Iba talaga ang Pilipino, no?

Comments: Post a Comment

<< Home

This page is powered by Blogger. Isn't yours?