Wednesday, February 16, 2011

 

Summer of '98

Shit-shit-shit! Hindi ako nagising! Dalawang oras na yata akong late sa assembly time ng Assers para sa planning sem sa Subic! Eksakto pang nagri-ring ang telepono sa sala. Parang alam ko nang para sa’kin ‘to kahit walang caller ID. Nakaka-tense ang makita mong nagri-ring ang cellphone mo ngayon tapos ‘di mo feel kausapin ‘yung tumatawag, paano pa kaya noong torture pa kung sasagutin mo ang tawag nang may risk na‘yung iniiwasan mo ang nasa kabilang linya. No choice ka naman kundi sagutin kasi baka ibang importanteng tawag ‘tong ini-ignore mo. Sheepishly…“Hello?”

“AGAPAY!” Patay! Si Broad Ass Executive Secretary Wenna na malamang asa phonebooth sa ilalim ng skywalk, ‘yung stainless na hinuhulugan ng tatlong pisong barya. “Ahehehehe,” wala na’kong ibang maipaliwanag, eh, so tumawa-tawa na lang ako. “Hay, naku! Sumunod ka na lang ng Subic! Mauuna na kami!”

“Si Mutya late rin, sabay na lang kayo!” utos ni Wenna bago pa siya tuluyang maubusan ng tatlong minutong palugit sa tawag.

Para matawagan si Mutch, kinuha ko ang Broad Ass Directory na matiyagang prinint, xinerox, ginupit at ini-stapler ng Memcom para maging wallet-sized booklet na giveaway sa members. Parang nag-meet yata kami ni Mutch sa veranda, or baka rin sa Starbucks Katipunan na nagbukas nu’ng 1998. Kasisimula pa lang ang konstruksyon ng MRT nu’n at kathang-isip pa lang ang SCTEX kaya mahigit 4 hours ang gagawin naming pagsunod sa Assers sa Subic.

Walang online booking na tinatawag kaya ang plano ay du’n na lang magsa-scout ng murang resort na mapag-o-overnaytan. Text-text na lang, ika nga, pero since wala pang texts nu’n, sa beeper kami magko-communicate. Never akong nagka-pager nu’ng mga panahong ito kasi luho ang pager kaya wala akong lakas ng loob hingan ang parents ko nito. Ang Inggliserang si Mutya ang de-pager.

Pagdating naming Olongapo, ipe-page namin ang Assers kung saang resort sila. Ang hindi naming na-realize ay long distance phone call ang rate ng bawat pag-page since based sa Maynila ang mga predecessor ng call centers na opisina ng Pocketbell at Easycall. Ang mga operators ang magta-transcribe ng ididikta mong mensahe para ma-send as analogue pager message, parang text lang kaso ididikta mo pa sa isang stranger ang text message mo para ma-send. Strict pa’to, English, Tagalog or Taglish lang. Walang magse-send ng message mong simpleng Spanish na tulad ng “Adios, amigo!” Bawal din ang mga nega messages na “_____’s dad just passed away” kahit pa totoo ‘to at ini-inform mo lang sila. Ang hirap nang may nangingialam sa ite-text mo, pramis!

Talagang naubos ang pang-estudyanteng budget namin ni Mutya kaka-page sa kanila pero since hindi pa nu’n reliable ang signal sa mga lugar sa labas ng Metro Manila, minsan oras ang hinihintay namin bago makatanggap at maka-receive ng beeps! Shit talaga!
Inabot na kami ng gabi pero wala kaming natanggap na page mula sa kanila. Nag-isaw na lang kami for dinner bago naming napagdesisyunan na mag-overnight na lang sa isa sa mga nagkalat na motel ru’n. “Magkano po ang overnight,” bilang mga wala na kaming pera. “Ilang taon na kayo,” usisa ng mama sa “reception” ng isang cheapanggang motel. Sumagot kaagad ako, “Ako po 18... Eighteen na rin po siya,” nagsinungaling ako. Sinipat ako ng lalake bago tumingin kay Mutya. “Mga bata pa kayo, ha…”
“Hindi po, matutulog lang po talaga kami,” depensa ko.
“Sa iba na lang kayo.”

When it looked like mahihirapan kaming maka-check-in, nagtanung-tanong na lang kami ni Mutya kung saan ang mga resorts sa Subic. Sumakay kami sa itinturo nilang sakayan ng jeep (noon pa man, maayos at color-coded na ang mga jeepney sa Olongapo) at by gut feel, nakipagsapalaran kaming bumaba sa sinasabing area na maraming resort at plinano naming isa-isahin ang mga lugar doon at baka matunton namin ang mga Asser.

Ang kuwento nila, nag-iinuman na sila, wondering kung nasaan na kami bilang walang mga signal ang mga pager nila. “Nasaan na kaya si Rey?” Sumagot si Wenna, “Ayan, o!” Nagtawanan sila! Pero hindi pala nagbibiro si Wenna dahil eksaktong nasipat niya ako at si Mutya sa labas ng bakod ng inupahan nilang bahay. Milagro talagang natunton namin sila.

Walang ganitong adventure kung may text o Facebook na nu’n.

Comments: Post a Comment

<< Home

This page is powered by Blogger. Isn't yours?