Wednesday, January 18, 2012

 

Catholic Iskul

Trinay ko talagang maniwala kahit konti pero simula pa lang nadurog na ang puso ko nang sa halip na ibili ako ng hearing aid ay inabot sa’kin ni mommy ang bote ng milagrosong tubig ng Manaog at ang maliit na booklet ng nobena. Bago raw ako matulog ay dasalin ko ang nobena sa harap ng makulay na rebulto ng Kristo Rey sa kuwarto namin ng kapatid kong si Tin-Tin, tapos ay ipahid ko raw sa aking binging kanang tenga ang ilang patak ng milagrosong tubig. Matapos ang ilang linggo, iniyakan ko si Tin-Tin, sumabog ang galit ko hindi sa Diyos, kundi sa nanay kong pumipilit sa’king maniwala sa hindi naman totoo.

Hanggang ngayon, bingi pa rin ako dahil pinayo ng isang doktor na huwag na lang ako mag-hearing aid tutal ay nakapag-adapt na raw ako sa aking munting kapansanan. O puwede mo ring sabihing dahil nagkulang ako sa pananampalataya?

Siyam na milyong deboto ang tinatantiyang nakiisa sa Pista ng Black Nazarene sa Quiapo nu’ng isang linggo. Mahigit 11 million ang populasyon ng Metro Manila. Ano kaya’ng ipinagdasal nila sa prosisyong tumagal nang halos 22 oras? Nitong linggo naman ay nagsimula na ang fiesta season sa pagdaraos ng Sinulog Festival. Halos 500 taon na ang Kristiyanismo sa Pilipinas, ang natatanging baluwarte ng Santo Papa sa Asya, naririnig na kaya ng Diyos ang ating mga panalangin? O baka naman mali lang ang ipinagdarasal natin? Wala nga naman sa mundong ito ang tunay na kaligayahan at kaginhawaan, kaya tiis-tiis lang. God will provide kaya ‘wag mong iinda kung ilan ang magiging anak mo, blessing ‘yan. Nariyan naman ang kawang-gawa ng iba’t ibang mga simbahan para tumulong, lalo sa mga panahon ng sakuna. Blessings ang mga anak kaya walang-saysay ang pagmamahalan ng dalawang taong hindi naman magkakaanak sa natural na pamamaraan. ‘Wag nang ipilit ang mga bagay na hindi natural dahil “nakakadiri” kumpara sa paghingi ng mga obispo ng luxury suv kay Gloria, at sa paglalaan ng misa ng pasasalamat sa pagbabalik-bansa ni ex-Cong. Ronald Singson via private jet matapos makulong nang sampung buwan sa Hong Kong matapos mahulihan ng ilang gramo ng cocaine. At hindi sa cocaine ako nao-offend, sa totoo lang.

Matanda pa sa panahon nina Rizal itong ating pamomroblema sa simbahan - hindi sa Diyos, hindi sa pananampalataya ng mga taong nanalig sa isang kapangyarihang higit pa sa anumang kapangyarihan dito sa mundo, dahil ano nga ba ang Simbahan kundi ang komunidad ng mga nanampalataya? Problema pa rin natin itong simbahang libug na libog sa kapangyarihan. Limang daang taon ay higit pang sa sapat na panahon upang mapabuti ang buhay ng mga taong iyong ginagabayan kung iyon talaga ang iyong pakay. O, baka nga naman masyadong minamaliit ng isang tulad kong kulang (ubos?) na ang pananampalataya sa mga nagawang paggabay nila tutal poverty of the soul ang kanilang concern, at hindi ang literal na poverty na kitang-kita saanman lalo’t sa mga dikit-dikit na mga barung-barong na nakapaligid sa nag-iisang kunkretong istraktura, ang chapel-cum-multi-purpose hall. Ang iba pang konkretong istraktura ng simbahan ay pawang mamahaling ospital na may token charity wards, at ang kanilang exclusive schools, at elitistang mga unibersidad na may mga token night schools at scholarships. All that resources to give the poorest of the poor a chance at a better life, wasted at the rich to become even richer!

At ngayon, maging ang UP nai-invade na ng mga batang hindi na kailangang tustusan ng buwis ang matrikula dahil ‘di hamak nga namang mas mahusay na ang pagtuturo sa mga exclusive schools kesa doon sa mga libreng public schools. Wala pang utang na loob akong matuturing dahil ang de-kalidad na edukasyong nakuha ko sa isa sa mga exclusive school na ito ang nakatulong sa’king makapasok sa UP. At dahil du’n, lagi kong ipagpapasalamat sa Kalangitan ang grasyang napagtanto na wala sa simbahan ang Diyos. Amen.

Comments: Post a Comment

<< Home

This page is powered by Blogger. Isn't yours?